top of page

October 2014 SOBA

1st Year of Good Governance

Hon. Richard "Rex" V. Ambita

 

Abril taong kasalukuyan, na ang iyong lingkod ay nag-ulat sa unang isang daang (100) araw ng pagsiserbisyo bilang bagong halal na Punong Barangay, ng mga Bagbagueńo.

 

Sa nakalipas na buwan, unti-unti na po nating natutupad at naisasakatuparan ang ilan sa mga reporma at programang pinangarangap ng ating mga ka-barangay. Akin pong uulitin, “WALA pong MAGIC FORMULA SA PAGBABAGO AT REPORMA”. Ang pagbabago po ay INCREMENTAL, o unti-unting progreso ng mga plano at pangarap.

 

Hindi natin maiaalis ang dumi ng POLITIKANG ating nilalanguyan. Subalit, lumalangoy man tayo sa dumi ng politika, ay kailangan po natin manatiling malinis sa ating paglilingkod at panunungkulan, kasama ang ating mga katuwang na Sangguniang Barangay at kasama ang iba’t-ibang mga sektoral na pormasyon, sa ating Barangay na maging bahagi paglilingkod at pamamahala.

 

Bukas po ang Sangguniang Barangay at ang inyong lingkod na punahin at tapikim kami, kung kami ay tutulog-tulog sa kangkungan, maging kami ay may mga maling sistema at pamamaraan sa pamamahala.

 

Hindi natin maitatanggi, sa nakalipas na ilang buwan nang ating pagsiserbisyo, ay mayroon din tayong mga pagkukulang sa ibang mga bagay. Subalit, hindi po natin iniaangat ang ating sariling upuan. Bagkus, ang inyo pong lingkod kasama ang ating Sangguniang Barangay, ay pinipilit na punuan ang ilang mga pagkukulang. Mahirap po maging PERPEKTO sa panunungkulan. Madalas ko po itong sabihin sa inyo mga ka-barangay. WALANG PERPEKTONG GOBYERNO AT WALANG PERPEKTONG INDIBIDWAL. Subalit, sa kabila ng mga pagkukulang, ay napupuan ito ng mga bagong EDIYA at PAGKATUTO. Mula dito, ito ang ating nagiging batayan, para muling maisaayos ang ating pagsiserbisyo at pamamahala. Patuloy din po tayong lumalahok sa mga LAKBAY-ARAL, sa iba’t-ibang mga lalawigan at lungsod. Maging sa bawat barangay. Naririyan na tayo ay pinaunlakan ni Punong Barangay Dona De Gana-Jarito ng Barangay 177 sa Lungsod ng Caloocan at Punong Barangay Chito Valmocina ng Barangay Holy Spirit.

 

Ang sabi nga po ni Mayor OCA, ng San Fernando Pampanga, “Hindi ako nahihiya, kung bakit umunlad ang aming lungsod, at ang aming mga barangay, dahil sa pangungopya” Naging ihemplo ng Punong Lungsod, ang Bayan ng yumaong si DILG SEC. JESSIE ROBREDO sa lungsod ng NAGA at ang Lungsod ng Marikina. Kaya’t layunin ng ating patuloy na paglalakbay-aral, ay makakuha tayo ng mga bagong IDEYA ng mga modelong barangay at lungsod, na maaari din nating maibabahagi sa ating paglilingkod sa ating Barangay.

 

Kaya’t sa tiwala ninyong ibinigay sa akin, bilang Ama ng ating mahal na Barangay Bagbag, at sa ating mga kaagapay na Sangguniang Barangay, at mga Sangguniang Panglungsod, naisakatuparan po natin ang ilan sa mga na proyekto at programang magpapaunlad sa ating Komunidad.

 

Pagpasok ng taong 2014, tayo po ay nakipag-ugnayan sa tulong ng ating mga masisipag na Sangguniang Panglungsod, at kinatawan sa DISTRITO 5 at mga PAMBANSANG AHENSYA, upang ang ating mga ka-barangay po, ay maging benepisyaryo ng iba’t-ibang programang pagkabuhayan tulad ng FOOD PROCESSING, TAILORING, DRESSMAKING at MOTORCYCLE REPAIR. Sa bahagi naman po ng EDUKASYON, naririyan ang pagpapatuloy ng ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM at COMPUTER ON WHEELS, at sa usaping MEDIKAL at DENTAL naman po, tayo ay nagdaros ng mga misyon sa mga komunidad na ating nasasakupan. Kasama na rin po dito ang pagpapa-opera ng katarata sa mga mata ng ating mga nakatatandang Bagbagueňo.   

 

Sinikap din po nating mare-HABILITATE ang ating tanggapan, upang tayo po kasama ang ating mga kawani at sanggunian, ay makapaglingkod ng naaayon sa maayos at magandang kapaligiran ng ating tanggapan. 

 

Pag-usapan naman po natin ang DEVELOPMENT: Tayo po ay tumulong sa JORGE VILLE HOMEOWNERS ASSOCIATION na maisaayos ang kanilang ROAD RIGHT OF WAY at kasalukuyan ay naisakatuparan na po ang pagdi-DEVELOP ng kanilang kalsada. Ganun din po sa UPING at ORO COMPOUND, isinaayos na po natin ang kanilang DRAINAGE SYSTEM at mga PATHWALK upang sa panahon ng tag-ulan ay hindi apektado ang ating mga anak sa kanilang pagpasok sa eskwelahan.     

 

Ilang araw nalang po sasapit na araw ng UNDAS, hindi na po natin pinahitulutan ang mga manininda na sakupin ang daanan, upang ang mga kaanak ng mga yumaong dadalaw sa kanilang mahal sa buhay na pumanaw. Tanging sa mga bangketa na lamang po natin itinalaga ang mga manininda. At hindi na rin po natin pinahihintulutan ang mga manininda mula sa iba’t-ibang barangay sa araw ng undas. Isina-prayuridad po natin na tanging ang mga Bagbagueňo lamang ang maaaring maghanap-buhay sa itinakdang lugar tindahan. Upang tayo po ay makatulong sa kanilang sa maliit na paraan sa kanilang kabuhayan.

 

Hindi po lingid sa ating kaalaman, na ang ating Barangay ay dumarami ang masasamang elemento, sa kahabaan ng QUIRINO HIGHWAY. “Ang sabi nga ng isang MAMANG TSUPER sa kaniyang mga PASAHERO, Oh.. Paki-tago na po ang inyong mga ALAHAS at TELEPONO. Malapit na po tayo sa lugar na maraming snatcher” Unti-unti na po nating nasusukol ang mga gumagawa ng mga PANGHAHABLOT o SNATCHING. Sa nakalipas na mga buwan, ay unti-unti na po nating nababago ang ating IMAHE. Hindi po papayag ang inyong lingkod na ang mga taong katulad nila ay makapangbiktima pa ng mga inosenteng mamamayan, lalo na ang ating mga anak. Kaya’t pinag-iibayo po natin ang programang PEACE in ORDER sa ating Barangay.

 

Kaya’t sa sinikap po natin na agarang matugunan ang suliraning ito, tayo po ay agad na nag-INSTALL ng Labing Anim (16) na CCTV Cameras, sa kahabaan ng Quirino Highway mula sa SINFOROSA hanggang sa CAMP GREZAR. Sa oras na may nakitang kahina-hinalang tao sa ating MONITORING SYSTEM, agad po natin itong NIRERESPONDEHAN ng maagap, na hindi na kinakailangan pang itawag sa ating Baragay Hotline. Isusunod na din po natin na malagyan ng CCTV Cameras, ang mga PANGUNAHING DAAN at PAILAWAN ito. Sa katunayan, tayo po ay nakapagpailaw na ng mahigit Siyamnaput Tatlong (93) Poste sa lugar ng SAN PEDRO 9, ORO COMPOUND, REMARVILLE, KINGSPOINT, LEON CLEOFAS, CELINA DRIVE, FRANCO, CAMP GREZAR, KATIPUNAN KALIWA, GOOD WILL 2, PAROKYA ROAD, BIGLANG-AWA at URBANO. Upang lagi tayong maging ligtas sa ating pag-umuwi sa ating mga pamilya sa ano mang oras. Hindi po namin ito maisasakatuparan ang lahat ng mga bagay na ito, kung wala po ang inyong tulong at suporta mga ka-barangay. Huwag po kayong magsawa at mag-atubili na ipaalam sa amin ang inyong mga hinaing, upang agaran po nating itong mabigyan ng tamang solusyon.       

 

Nang tayo po ay nagsimulang manungkulan, ang ating pong INCOME REVUE ALOTMENT at REAL PROPERTY TAX ay humigit kumulang sa Dalawampong (20) Milyong Piso kada taon. Sisikapin po natin itong pataasin sa mga susunod na taon. Ito po ay para matugunan ng sapat ang pangangailangang programa ng mga Bagbagueňo. Pagsusumikapan po natin ito!

 

Pag-usapan naman po natin ang usapin ng KATIYAKAN SA PANINIRAHAN, PALUPA at PABAHAY.  

 

DISYEMBRE 18, 2008, naglabas po ang ating KATAAS-TAASANG HUKUMAN, ng kautusan na mas kilala natin sa tawag na SUPREME COURT MANDAMUS. Layunin nitong linisin ang MANILA BAY at mga daang tubig sa buong KALAKHANG MANILA. Bahagi ng kautusang ito, ay ang ipinatutupad ng DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT o DILG, na tinawag namang OPLAN LIKAS. Ito ang mga kababayan at mga ka-barangay nating INFORMAL SETTLER FAMILIES na naninirahan malapit sa TULYAHAN RIVER o sa DALUYANG TUBIG. Tayo po ay nakapaglikas na ng Labing Anim (16) na pamilya na nabigyan ng pabahay at relokasyon, at nakatanggap din sila ng sapat na kompensasyon sa tulong ng DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT o DSWD. Subalit, nais nating bigyan ng PRAYURIDAD, ang ating mga ka-barangay na makinabang sa programang ito ng ating pambansang pamahalaan. Kaya’t itinutulak ng inyong lingkod, na tayo ay maging BENEPISYARYO ng HIGH DENSITY HOUSING PROGRAM ng SOCIAL HOUSING FINANCE CORPORATION na may temang PEOPLE’S PLAN o PEOPLE’S PROPOSAL. Sa pagpapahalaga natin sa usapin ng SECURITY OF TENURE, ang tanggapan po ng ating Barangay ay nagtatag ng BARANGAY LAND AND HOUSING AND RESSETLEMENT OFFICE, na siyang masasandalan ng ating mga ka-barangay, sa usapin ng katiyakan sa paninirahan. Sa tulong ng ating pamahalaang lungsod, tayo po ay nagmungkahi na magtayo ng BISTEK VILLE para sa mga Informal Settler Families, na nasa daluyang tubig ng tulyahang river, at mga ka-barangay natin na nasa iba pang DANGER ZONE sa ating Barangay.

 

Isa rin sa hangarin natin, ay matulungan ang mga samahan na nasa ilalim ng programang COMMUNITY MORTGAGE PROGRAM. Isang halimbawa dito, ay ang JORGE VILLE HOA na kasalukuyan ay dini-DEVELOP na kanilang Road Right of Way at mga Path Walk. Ang VILLA AMBITA phase 1, ay nabili ng mga ka-barangay natin sa pamamagitan ng PUBLIC AUCTION, at ngayon ay ipapasok natin sa programa ng HABITAT FOR HUMANITY FOUNDATION PHILIPPINES at ng SOCIAL HOUSING FINANCE CORPORATION. Kasabay nito, ay susunod na ang pagpoproseso VILLA AMBITA HOA phase 2,3 at 4. Ating din pong papasukin ang LOCALIZED COMMUNITY MORTGAGE PROGRAM o LCMP, na mismo ang ating Barangay ang siyang mangangasiwa at magpapalakad ng mga SOCIALIZED HOUSING PROGRAM. Para maisakatuparan ang lahat ng ito, kailangan magsagawa ang ating Barangay ng isang KOMPREHENSIBONG BARANGAY SHELTER PLAN, alin-sunod sa pamantayan ng ating lungsod, at ng Social Housing Finance Corporation at itinatadhana ng ating mga batas.         

 

Kung atin pong binibigyang prayuridad ang usapin ng katikahan sa paninirahan, atin din pong binibigyan ng tuon, ang ating mga NAKATATANDA. Sa katunayan, ay malapit na pong matapos ang tanggapan ng ating mga mahal na Lolo at Lola. Kung saan dito nila ibubuhos ang kanilang panahon sa pagsiserbisyo sa kapwa nila nakatatanda. Mabuhay po kayo mga Inang at Itang!

 

Pag-usapan naman natin ang responsible at maagad na pagtugon ng ating Barangay, sa usapin ng kalamidad. Sa sunog noong nakaraan araw sa kingspoint, ay muli na naming nagpakita ng pagmamalasakit ang ating mga kawani sa FIRE. Kaya’t agarang napula ang sunog. Sa ipinakita nilang kagitingan at ipinamalas na kakayahan, sila po ay naparangalan ng BUREAU OF FIRE PROTECTION ng Lungsod Quezon sa mabilisang pagresponde sa sakuna at kalamidad. Ipinagmamalaki din po natin ito! Subalit, sa likod ng parangal na iginawad sa kanila, ay isang malaking responsibilidad ito. Sapagkat, hindi lamang po Barangay Bagbag ang kanilang bibigyan ng serbisyo, kundi ang buong DISTRITO 5 ng ating mahal na Lungsod Quezon. Kung kinakailangan ay sa iba pang kalapit na Barangay na sakop ng ibang distrito. Mabuhay po kayo mga KAWANI sa FIRE BRIGADE DEPARTMENT!  

 

Puntahan naman natin ang ating pagpapahalaga sa KALIKASAN, susunod po natin ipoporyekto, na tayo ay magkaroon ng MINI-ECO PARK, isang parke na kumpleto sa pasilidad, para sa mga Bagbagueňo. Katunayan, tayo din po ay nagtanim ng mahigit sa APAT NA DAANG (400) puno ng Banaba sa SB Park, na kung saan dito po iminumungkahi na maitayo ang ating Mini-Eco Park.

 

Bahagi din ng ating pangangalaga sa ating kalikasan, ay ang pagsasaayos at paglilinis ng ating mga daluyang tubig, sa ilang mga lugar na ating nasasakupan. Isinasakongkreto na rin po natin ang ilan sa mga daanan at mga eskinita na madalas bahain, tuwing sasapit ang tag-ulan.    

 

Dumako naman tayo sa antas ng EDUKASYON, tayo po ay nakipag-ugnayan sa ating mga lokal na opisyal ng pamahalaang lungsod, upang matugunan at maabot ang ating matagal ng pinapangarap. Ang magkaroon ng Bagbag National High School, sa ating Barangay. Abot kamay na po natin ang ating pangarap para sa ating mga anak. Aprubado na po ito ng Sangguniang Panlungsod, maging sa Kongreso. Hinahanapan na po nila ito ng PONDO.

 

Hindi po lahat ng mga kabataan natin ay nakakapag-aral dahil na rin po sa kahirapan. Tayo po ay mayroong programang RVA Foster Parenting, sa kasalukuyan tayo po ay mayroong Pitong (7) Batang mag-aaral, mula sa Elementarya ang nabigyan natin ng scholarship. Sa tulong na din ng ating mga ka-barangay na mayroong sapat na kakayahan.  Kaya’t patuloy sana tayong maging kabahagi sa pagsiserbisyo at paglilingkod sa ating Barangay, nang walang pansariling pag-i-interes at pagbubuhat ng mga sarili. Bagkus, ang bukas at bukal na pagtulong sa mga maliliit. Maraming salamat sa inyo mga katuwang nating Foster Parent.

 

Sa darating na taon, atin pong bibigyan ng prayuridad mga programa at proyektong malaki ang maitutulong sa ating Barangay at Buhay. Ang Road widening ng Parokya at Seminary Road.  Mapalad din po tayo, sapagkat dito po sa Barangay Bagbag itatayo ang Tatlong (3) Bistek Ville para sa mga mamayang apektado ng ating mga DAANG TUBIG at mga nasa DANGER ZONE. Prayuridad din po natin ang maralitang tagalungsod dito sa ating Barangay.

 

Kagaya po ng ating sinabi sa nakaraang pag-uulat, ang atin pong Barangay ay nangangarap na maging isang CHILD FRIENDLY COMMUNITY. Dahil dito, ang ating pong mga kawani, kasama ang Barangay Council for the Protection of Children at ang Gender and Development, ay masigasig na nagdaos ng mga serye ng BCPC at GAD Re-Echoing and Orientation, sa iba’t-ibang mga komunidad sa ating Barangay.

 

At upang magkaroon ng matibay na relasyon at ugnayan ang ating pamahalaang barangay sa mga People’s Organizations, Non-Government Organizations at mga Religious Organizations. Tayo po at nagdaos ng Grand MOA Signing para sa Ugnayan ng Barangay at Simbahan o UBAS, Ugnayan ng Barangay at Eskwelahan o UBE, at Ugnayan ng Barangay at mga Non-Governmental na mga institusyon.

 

Ang Sangguniang Barangay din po nagdaos ng SPORT FESTIVAL o PALARONG PAMPALAKASAN, sa ilalin ng Komite ng Youth and Sports, kasama ang TASK FORCE YOUTH ON DEVELOPMENT ng ating Barangay. Syempre! hindi lamang ang mga kabataan ang lumahok sa sport festival, pati ang mga bata sa isinagawa nating Synchronized Palarong Pambata. Mahalagang bahagi ito sa ating kasaysayan, dahil na nabibigyang halaga natin ang ating mga bata sa ating Barangay. Upang sa murang gulang nila, ay mamulat sila sa pakikilahok at partisipasyon sa ating Barangayan.

 

Kaya’t paulit-ulit ko pong sasabihin, para makamit po natin ang isang maunlad na Barangay Bagbag. Kailangan po natin ng disiplina, partisipasyon at pagpapahalaga sa ating pamahalaang Barangay. Tama na po ang politikahan! Tama na po paninira! Tama na po pagdudunong-dunungan! Lahat po tayo ay mayroong angking talino at sapat na kakayahan, gamitin po sana natin ito sa tama, hindi sa maling pamamaraan.

 

Ang bawat tao po ay dapat na pinahahalagahan ang bawat isa. Ang bawat tao po ay may dangal, na hindi dapat tinatapakan nino man. Bagkus, ito po ay dapat nating unawain at pagmalasakitan. Ang bawat tao po ay sagrado at banal na nilikha ng May-Kapal, kaya’t dapat po natin itong igalang. Yakapin po natin ang isa’t-isa at ang ating mahal na Barangay Bagbag, at magsasama-sama po tayo katulad ng isang malaking pamilya na may malasakit sa isa’t-isa, may magpapahalaga at pagmamahal.

 

Muli, hindi namin maisasagawa ang lahat ng mga programa at proyektong pambarangay, kung wala po ang iba’t-ibang sektor na katuwang natin.  Kaya’t Mabuhay po kayo mga Bagbagueňo!

 

Mabuhay Barangay Bagbag! Mabuhay Lungsod ng Quezon!

 

Karangalan po namin ang maglingkod sa inyo!

 

STATE OF the BARANGAY ADDRESS

1st 100 Days of Good Governance (1st Synchronized Barangay Assembly)

Hon. Richard V. Ambita

 

Sa nakalipas na tatlong (3) buwan ng manungkulan ng inyong lingkod, bilang Punong Barangay ng Barangay Bagbag, tayo po ay nag-isip ng isang pamamaraan, kung papaano magiging epektibong makabahagi ang mamamayang Bagbagueňo, sa pamamahala at paggogobyerno sa ating mahal na Barangay Bagbag.

 

Disyembre noong nakaraang taon, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ating barangay, tayo po ay nagdaos ng BAHANGGUNIAN o Bahaginan ng Mamamayan at Sanggunian. Nilalayon nitong alamin at maisadokumento ang mga ninanais na plano ng mamamayan, kung ano ang nais ninyong programa at proyekto, na akma sa inyong pangangailangan. Sinubukan po ng inyong lingkod kasama ang aking mga kasamahan sa konseho, ang tinatawag na BOTTOM-UP approach. Mula sa mamamayan, patungo sa Sanggunian. Hindi po natin gagawin at papayagan ang pagbibigay ng mga proyekto at programa, na hindi akma sa pangangailangan ng ating mga nasasakupan. Upang matiyak din na nagagamit natin ng wasto ang pondo ng pamahalaang barangay.

 

Enero ng taong kasalukuyan,upang lubos na maisakatuparan ang Barangay Governance at People’s Participation, sa pangalawang (2) pagkakataon ay nagpatawag ang Sangguniang Barangay ng Barangay Development Council Assembly, upang maging bahagi ang iba’t-ibang mga sektor ng Barangay Bagbag sa mabuti, bukas at pamamahalang walang itinatago. Bahagi po ito ng plataporma de gobyerno sa pamahalaang barangay, para sa pagsusulong ng tunay na pag-unlad, reporma at pagbabago. Itinatag na rin ang sangay ng Pamahalaang Barangay na magsisilbing “Judiciary” ang ating Lupong Tagapamayapa (20) piniling Tagapagsaayos ng mga Hidwaan sa pagitan ng ating mga mamamayan.

 

Pag-usapan po natin ang pagbabago. Ang sabi ng iba, masyado ng palasak ang salitang ito. Pero, ito naman ang ninanais nating mangyari at pinapangarap. Ang pagbabago po ay walang “MAGIC FORMULA”, na sa isang hampas natin ng mahiwagang baton ay magbabago na ang lahat, tungo sa pag-unlad at reporma. Mali po, dahil ang pag-unlad, reporma at pagbabago, ito po ay INCREMENTAL o unti-unting pagsasakatuparan, at mahalaga ang papel ng mga mamamayan sa pagpapaunlad ng ating barangay, hindi lamang sa aming mga Public Servant na inyong pinagkatiwalaan. Kayo po ang siyang nakakaalam ng ilang nais natin ireporma sa ating mahal na Barangay Bagbag. Kaya’t sa pamamagitan ng ating pagsasama-sama sa bukas na pamamahala, ay uunlad at muling sisikat ang bagong pag-asa na matagal na nating hinahangad.

 

Kaya’t sa nakalipas na tatlong (3) buwang panunungkulan ng inyong lingkod, marami na tayong naisakatuparang mga proyekto at mga programa para sa mga Bagbagueňo. Naririyan ang; GIFT GIVING: Sa araw ng kapaskuhan, para sa mga masisipag nating Street Sweeper, BPSO, mga lider ng mga samahan at mga kawani, na nagbigay ng masiglang serbisyo na may paggalang at ngiti sa mga Bagbagueňo.

 

Nagkaroon din tayo ng proyektong MEDICAL, DENTAL MISSION, LIVE BLOOD ANALYSIS AT EYE CHECK-UP: Upang tugunan ang usaping pangkalusugan ng mga mamamayan ng ating barangay.

 

Nagsagawa din tayo ng LIVELIHOOD TRAINING: Para sa mga kababaihan, upang magkaroon sila ng munting kabuhayan at pagkakaabalahan na makakatulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangan na katuwang ng Ama ng tahanan.

 

Upang mabigyan ng PAG-IBIG, SSS at PHILHEALTH, ang ating mga kabarangay, sinadya ng mga ahensyang ito ang ating tanggapan, upang magsagawa ng serye ng baledasyon at konsultasyon sa mga kasapi ng kanilang ahensya, at upang makakalap ng mga bagong kasapi para sa seguridad ng kanilang pamilya, kalusugan at buhay.

 

Marami din sa ating mga mahihirap na kabarangay, ang nagnanais na sila ay maikasal kahit sa isang simpleng seremonya lamang. Kaya’t nagdaos tayo ng mga kasalang bayan sa ating barangay sa tulong din ng ating mga butihing konsehal ng distrito singko at nagsagawa din tayo ng BINYAGANG BAYAN sa tulong ng Parokya ng Pagkabuhay at ng ating Kuraparoko.

 

Hindi po lingid sa ating kaalaman, na marami din sa ating mga bata sa ating barangay, ay wala sa hustong timbang, batay sa kanilang gulang o edad, kaya’t nagdaos din tayo ng mga FEEDING PROGRAM sa iba’t-ibang bahagi ng ating barangay. Upang isulong ang maayos na kalusugan para sa mga bata.

 

Malaking tulong din sa ating mga kabataan at mga kabarangay ang pagdaraos natin ng mga serye ng JOB FAIR, para sa mga nangangailangan ng trabaho at hanap-buhay.

 

Kung buhay ang ating pag-uusapan, malaki ang naging ambag ng ating mga kabarangay sa pagbibigay ng kanilang mga dugo. Upang sa gayun ay madugtungan pa ang buhay ng mga may karamdaman sa pamamagitan RED CROSS ORIENTATION at BLOOD LETTING PROGRAM sa araw mismo ng mga puso, kasama ang ating mga magigiting na kawani, purok lider at mga kabarangay.

 

Ang buhay ay mahalaga, kaya’t pinapahalagahan din ng Sangguniang Barangay ang ating kalikasan. Tayo po ay nagproyekto ng ENVIRONMENTAL RESTORATION, TREE PLANTING, URBAN GARDENING and SOLID WASTE MANAGEMENT TRAINING ORIENTATION, na inyong makikita epekto sa iba’t-ibang sulok ng ating mahal na Barangay Bagbag, kasama ang Task Force Kalinisan at masisipag nating Steet Sweeper, upang masiguro na malinis ang lahat ng sulok ng ating barangay.

 

Ang pangangalaga ng ating kalikasan, ay hindi lamang ang pagtatanim ng mga puno, paglilinis ng ating mga komunidad. Maging ang pagtitiyak na malinis ang ating kapaligiran ay wala ni anumang mga dumi ng hayop na likha ng ating mga alagang hayop sa ating mga tahanan. Kaya’t nagsagawa po tayo DOG CATCHINGAng pagiging maayos at pagiging malinis ng ating mga komunidad, ay nasa kamay din ng mga pet owners na siyang may pangunahing responsibilidad sa kaniyang mga alaga. Upang sa ating paggising sa umaga, ay makalanghap man lang tayo ng malinis na hangin.

 

Bahagi din ng proyektong pangkalikasan ng ating Barangay, ang pagtitiyak na hindi na babahain ang ilang mga komunidad sa atin lugar, kaya’t nagkaroon tayo ng DECLOGGING along Don Julio St, San Pedro 9, Remarville at PAGSASAAYOS ng mga PANGUNAHING DAANAN at DRAINAGE, CONCRETING OF RAODS & PATHWALK nang ilang mga komunidad katulad ng; Road 3, Franco, Progressive at sa apat (4) na komunidad ng Biglang-Awa at sa kasalukuyan kinu-construct ang Remarville Daycare Center.

 

Nagkaloob din tayo ng set ng Fiber Glass Board at Basketball Ring sa komunidad ng Oro Compound. Upang magkaroon ng maayos na paglilibangan ang mga kabataan.

 

Kung binigyan ng pansin natin ang kalinisan sa ating barangay, binigyan din natin ng pagtuon ang Peace and Order, kasama ang ating mga Peace Brigade sa tulong din ng ating mga makikisig na mga kapulisan, sa tulong ng kanilang institusyon ng PNP Police Station 4. Marami na po tayong huli at naipakulong na mga magnanakaw na tumatakbo sa ating barangay. Sa tulong din ng ating mga kapulisan, sinusuyod nila ang bawat sulok ng ating barangay, upang dakipin at ibilanggo ang mga gumagamit at nagbibenta ng mga ipinagbabawal na droga.

 

Pangarap din ng ating Barangay na mapabilang tayo sa mga barangay na mayroong pinakamalinis na Palengke sa distriso 5, kaya’t binuo natin ang Task Force Palengke na ating makakatuwang sa unti-unting pagbabago at pag-unlad ng ating Mercado.

 

Kung hindi rin dahil sa sipag at tiyaga ng ating mga Purok Lider, maaaring hindi nakakarating sa ating mga kabarangay ang mga progarama na ating ipinatutupad sa bawat mga komunidad. Upang matiyak ng tanggapan ng ating Barangay, na naaabot naming kayo sa pamamagitan ng ating mga itinalagang mga purok lider. Tungkulin din nilang makipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga samahan, homeowners associations at mga samahang pangkomunidad.

 

Ang pagbibigay natin ng atensyon sa usapin ng Trapiko sa ating barangay, ay malaki ang maitutulong nito upang maibsan ang trapiko sanhi ng mga walang disiplinang mga drayber ng iba’t-ibang mga sasakyan na dumadaan sa ating lugar, at maging ang maya’t-mayang pagbubutas ng mga kalsada na oras ng abala ang lahat. Kaya’t binibigyan natin ito ng pagtuon upang kahit papaano ay dumaloy ng maayos ang mga sasakyan. Dahil ito rin ang dahilan ng mga mapagsamantalang elemento, para pagnakawan ang mga inosenteng mga pasahero.

 

Upang magkaroon ng maayos na kinabukasan ang ating mga kabataan, itinulak natin na maipagpatuloy ang ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM o ALS sa mga nagnanais na magbalik-eskwela at makapagtapos ng kanilang edukasyon. Binigyan din natin ng importasya ang mga kababaihan at iba pang nagnanais na makapag-aral ng computer, sa tulong ng ating butihing konsehal Joe Visaya sa kaniyang COMPUTER ON WHEELS program.

 

Sabi nga ni Dr. Jose Rizal, na ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan” kaya’t muli nating binigyan ng pagpapahalaga ang ating pambansang bayani, sa pamamagitan RESTORATION OF DR. JOSE RIZAL MONUMENT at ang pabibigay ng pagkilala sa kaniyang naiambag sa ating lipunan.

 

Isinaayos din natin ang ilang TODA TERMINAL sa ating mahal na Barangay Bagbag, para maipakita ang unti-unting pagbabago at pag-unlad ng ating maliit na unit ng ating lipunan.

 

Nagkaroon din tayo ng iba’t-ibang mga Samaaralan at Capacity Building, para sa lahat ng mga kawani ng ating Barangay at mga Bagbagueňo katulad ng; Personality Development Training, Social Services and Development Orientation, Gender Sensitivity Training at Rexposableng Junior Crime Watchers.

 

Hindi maisasakatuparan ang lahat ng mga serbisyo, programa at proyekto ng ating Barangay, kung wala ang tulong ng ating mga masisipag na mga kawani, purok lider at ng Sangguniang Barangay.

 

Hindi lamang mga batayang serbisyo ang ating naisakatuparan sa loob ng Tatlong (3) buwan. Nagtatag din tayo ng iba’t-ibang mga departamento, para sa mas mabilis na pagtugon at pagresponde sa mga suliranin ng mga komunidad ng ating barangay. Mahalaga ang pagtatayo ng mga komite at mga departanmentong ito, para sa bukas na pamamahala at paggogobyerno katulad ng; Ayon sa Republic Act 7160 Section 106 ng Local Government Code, ay inaatasan ang lahat ng sangay ng local na pamahalaan na magtatag ng Barangay Development Council: Nasiyang katuwang ng Sangguniang Barangay sa mabuting pamamahala. Sa pamamagitan ng pakikiisa ng iba’t-ibang mga sertoral na pormasyon sa ating Barangayan, sila po ang direktang nagbibigay ng mga mungkahing programa sa Sangguniang Barangay, at sa mga programang nais na ipatupad ng tanggapan.

 

Marami po tayong ginawang mga programa at pag-aaral, upang mapalakas natin ang mga kasanayan ng iba’t-ibang mga sektor. At upang matugunan ang mga suliranin ng ating mga matalitang pamilyang Bagbagueňo sa usapin ng katiyakan sa paninirahan, itinatag po natin ang Barangay Land and Housing and Resettlement Office, sa bisa ng Barangay Local Executive Order No. 2 S-2014, ang departamentong ito ang siyang mangunguna sa Land Inventory ng mga Idle lands sa ating barangay. Ito rin ang magsasadokumento ng mga recalcitrant’s at mga sindikato sa lupa at mga nagdudunong-dunungan at nanggugulo sa usapin ng Security of Tenure para sa ating mga kabarangay, lalong-lalo na ang mga taong nagsasamantala sa mga mahihirap na pamilya sa paniningil ng salapi.

 

Noong nalakipas na buwan, ilang beses ng muntik na masunog ang bahagi ng Don Julio Gregorio at Ibayo II, mabuti na lamang mabilis ang pagresponde ng ating Fire Brigade sa ilalim ng pamumuno ng inyong lingkod at ng aking masisipag na Sanggunian at mga itinalagang mga magigiting na mga bumbero.

 

Upang matiyak natin ang pagpapaulad ng ating kaisipan sa karapatan ng ating mga kababaihan, ipinagpatuloy po natin ang ilang programa ng nakalipas na administrasyon ang GENDER AND DEVELOPMENT PROGRAM: Violence against Women and their Children, Barangay Council for the Protection of Children at Kasambahay Desk. Na naayon din sa itinatadna ng Batas ng Republika.

 

Sa pamamagitan ng programa ng ating barangay para sa mga bata, ay kailangan nating matiyak na napapangalagaan natin ang kanilang mga karapatan at mga pangangailangan. Karapatan nilang maipanganak, magkaroon ng pangalan at bansang kinabibilangan. Subalit, sa dahil sa pabata ng pabata ang mga batang Ina at Ama. Kailangan ng pagsubay ninyong mga magulang upang hindi masira ang kanilang kinabukasan.

 

Karapatan din nilang Maging malaya at magkaroon ng pamilyang mag aaruga. Subalit, maraming mga bata ngayon ay sangkot na rin sa mga iligal na mga gawain dahil sa napapabayaan sila ng kanilang mga magulang.

 

Ang mga kabataan po ang ating balon sa na siyang mga susunod na manunungkulan sa ating Barangay. Dapat po natin silang bigyan ng pagkakataon na makapaglaro at maging malaya. At mabigyan ng masaganang pagkain, maayos na tahanan, mabuting kalusugan at malakas na pangangatawan.

 

Maisasakatuparan ang lahat ng ito, kung tayo ay magtutulungan na paunlarin ang ating pamayanan. Hindi sila magkaroon ng magandang edukasyon, kung tayong mga magulang ay atin silang mapapabayaan. Hayaan natin silang makakapagpahayag ng kanilang malayang pananaw at opinion. Kung patuloy din tayong magbibingi-bingihan sa kanilang mga nais na iparating sa atin bilang mga magulang. Hindi nila mahahasa ang kanilang kakayahan, kung mananatili lamang sila sa apat na sulok ng ating mga tahanan. Ipalahok natin sa sila sa mga makabuluhang proyekto at gawain ng ating Barangay.

 

Hindi rin sila makatira sa isang mapayapang pamayanan, kung mananatili ang magulong tahanan at komunidad na puno ng masasamang mga elemento. Kailangan natin silang proteksyonan laban sa mga mapang-abuso, panganib at karahasan dulot ng gulo at alitan.

 

Kaya’t mahalaga ang bawat sandali ng ating pakikiisa sa ating pamahalaang barangay. Upang maipagtanggol at mapagsilbihan ng ating pamahalaan. Kung magpapatuloy ang pagiging Bulag, Pipi at Bingi natin sa kanilang mga nais iparating bilang mga magulang. Samahan ninyo kami, na makilala ang ating Barangay na mapabilang sa pagiging child friendly community.

 

Bago pa man matapos ang taon noong nakaraan, mayroon tayong limang (5) mga kabataang bayani na pinarangalan at nagbalik ng pera sa tunay na may-ari nito. Kung lahat ng Batang Bagbagueňo ay katulad ng mga batang ito, na mayroong magandang asal katulad ng turo ng kanilang mga magulang. Makakatulong ito para sa pagpapaunlad ng ating mahal na Barangay Bagbag.

 

Ang tanggapan ng Sangguniang Barangay, ay kasama ninyo sa lahat ng programa para sa reporma at pagpapaunlad ng ating mahal na Barangay Bagbag. Samahan po ninyo kami, sama-sama po natin na tahakin ang maunlad na kinabukasan ng ating Barangay at ang pagbabago.

 

Kaya’t sa pamamagitan ng inyong suporta at tulong sa ating sangguniang barangay, marami tayong isasagawang bagong mga mga proyekto. Ang Improvement ng Drainage at pagsasaayos ng mga daan sa komunidad ng; Maridez, Road 1,2,4, Ibayo II at Progressive. Ang pag-unlad, reporma at pagbabago ng ating mahal na Barangay Bagbag, ay di lamang magmumula sa amin. Ikaw mismo, ay dapat na makibahagi upang maisakatuparan natin ito ng sama-sama.

 

BAGBAGUEŇO, KARANGALAN PO NAMIN ANG MAGLINGKOD SA INYO!

 

 

 

bottom of page